Pansamantala lamang nawala ang mang-aawit at aktres sa naturang morning talk show dahil kinailangan niyang maghanda sa katatapos lang na konsiyerto nila ni Sharon Cuneta noong Hunyo 17 at 18
Buod
- Ang sabi-sabi: Nasibak si Regine Velasquez bilang host ng morning talk show sa Kapamilya Channel na Magandang Buhay.
- Marka: HINDI TOTOO. Sumasang-ayon ang Rappler sa markang “Hindi Totoo” na nauna nang ibinigay ng OneNews sa kanilang fact check sa sabi-sabing ito.
- Ang katotohanan: Pansamantala lamang nawala ang mang-aawit at aktres sa naturang morning talk show dahil kinailangan niyang maghanda sa katatapos lang na konsiyerto nila ni Sharon Cuneta noong Hunyo 17 at 18.
- Bakit kailangang i-fact-check: Ang naturang kasinungalingan ay ipinaskil sa ilang social media sites, at pilit binibigyan ng malisyoso’t politikal na kahulugan. Umani na ng 1,800,000 views sa Facebook ang naturang video nang isinulat ang fact check na ito.
Mga detalye
Sa isang malisyosong paskil ng “Top Artist Scoop” sa Facebook, idiniin ang umano’y pagkasibak ni Regine Velasquez mula sa Kapamilya morning talk show na Magandang Buhay. Ayon dito, maaaring nasibak si Velasquez sa trabaho dahil sa pagiging palpak nito bilang guest co-host.
Mababasa rin sa caption ng nasabing video, na ngayon ay umani na ng mahigit isang milyong views, ang katagang, “Nakarma na! Regine Velasquez Sinibak sa Magandang Buhay Nagresulta na ang Pagmaliit kay BBM!”
Hindi totoong nasibak si Regine Velasquez sa trabaho.
Sa opisyal na Instagram ng Magandang Buhay, inanusiyo ang pansamantalang pagkawala ng mang-aawit at aktres sa programa upang makapaghanda sa konsiyerto nito kasama si Sharon Cuneta noong Hunyo 17 at 18.
Sa ngayon, humahalili ang aktres na si Judy Ann Santos bilang guest co-host ng Magandang Buhay.
Nitong nagdaang eleksiyon, nangampanya si Velasquez at ang kabiyak nitong singer na si Ogie Alcasid para kay Bise Presidente Leni Robredo – dahilan upang atakihin ang mang-aawit ng ilang trolls. – Rochel Ellen Bernido/Rappler.com
Kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network, i-send ang mga ito sa [email protected]. Maaari ring magsumite ng mga sabi-sabi sa #FactsFirstPH tipline. Ipadala lang ang mga ito bilang message sa Facebook ng Rappler, bilang direct message sa Twitter ng Newsbreak, o bilang message sa aming Viber fact check chatbot. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.