Nagpahayag si Pia Wurtzbach tungkol sa negatibong pangangampanya

Nagpahayag si Pia Wurtzbach tungkol sa negatibong pangangampanya

Sinabi ni Miss Universe 2015 sa isang tweet na hindi sa kaniya nagmula ang nasabing quote

Buod
  • Ang sabi-sabi: Nagbigay ng pahayag si Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach tungkol sa negatibong pangangampanya.
  • Marka: HINDI TOTOO
  • Ang katotohanan: Sinabi ni Wurtzbach sa isang tweet na hindi mula sa kaniya ang pahayag.
  • Bakit kailangan i-fact-check: Nang isulat ang fact check na ito, mayroon nang mahigit 17,000 reaksiyon, 1,400 komento, at 3,800 shares ang post sa Facebook.
Mga detalye

Nag-post ng isang quote card ang Facebook page na “Matang AGILA” noong Lunes, Marso 28, na nagsasabing nagpaalala raw si Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach sa mga botante tungkol sa negatibong pangangampanya ng mga kandidato.

Nakalagay sa caption ng post, “Well said Pia Wurtzbach sana lahat ng supporters both kakampink and Uniteam and the rest ganito din mag isip.”

Makikita sa larawan ang isang quote na nagsasabing “Don’t just believe in negative campaigns, I really do believe that if your heart is pure and ready to serve our country towards a better future then all you gonna do is to promote yourself and not by destroying figures of your co-candidate it may look desperate. I do believe the people who does negative campaigning is really on pressure and threatened because he/she is behind by the other candidate.”

(Huwag basta maniwala sa negatibong pangangampanya. Naniniwala ako na kung ang puso mo ay puro at handang magsilbi sa bansa para sa magandang kinabukasan, ang kailangan mo lang gawin ay ikampanya ang iyong sarili at hindi sa pamamagitan ng paninira ng kapwa mo kandidato dahil mukha itong desperado. Naniniwala ako na ang mga tao na gumagawa ng negatibong pangangampanya ay takot dahil nauunahan siya ng ibang kandidato.)

Nang isulat ang fact check na ito, mayroon nang mahigit 17,000 reaksiyon, 1,400 komento, at 3,800 shares ang post sa Facebook.

Hindi totoong sinabi ito ni Wurtzbach. 

Sinabi ni Wurtzbach sa isang tweet na hindi sa kaniya nagmula ang nasabing pahayag.

“I did not say this. Let us not spread fake news. Don’t believe all quotes that you see online. Let’s make it a habit to double-check our sources,” sabi ni Wurtzbach.

(Hindi ko ito sinabi. Huwag tayong magpakalat ng fake news. Huwag maniniwala sa lahat ng quotes na nakikita ‘nyo online. Ugaliing mag-double-check ng mga source.)

Unang naging usap-usapan ang negative campaigning matapos sabihin ng presidential candidate na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kaniyang panayam kay Boy Abunda noong Enero 2022 na ayaw niyang gamitin ang taktikang ito sa kaniyang pagtakbo sa eleksiyon sa Mayo. – Lorenz Pasion/Rappler.com

Kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network, i-send ang mga ito sa [email protected]. Maaari ring magsumite ng mga sabi-sabi sa #FactsFirstPH tipline. Ipadala lang ang mga ito bilang message sa Facebook ng Rappler, bilang direct message sa Twitter ng Newsbreak, o bilang message sa aming Viber fact check chatbot. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.

Share This Article